'Failon Ngayon': Now hiring: Sundalo

ABS-CBN News

Posted at May 05 2019 12:13 AM | Updated as of May 05 2019 01:24 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinusuong nila ang matinding bakbakan mapagtanggol lamang ang soberenya ng bayan at kapakakanan ng mga mamamayan. Isa sa bumubuo ng hukbong sandatahan ng Pilipinas ay ang Philippine Army.

At ito ang pinapangarap na mapasok ni Roderick Soriano ng Antique simula’t sapul. Ama rin ang naging inspirasyon ni Robert Tutor para magsundalo. Isa itong CAFGU o auxiliary force ng AFP.

Ang dating pangarap lang nila ngayon ay nagkakatotoo na dahil ilan lamang sila sa mga maswerteng nang nagsasanay sa Camp Tecson sa San Miguel, Bulacan bilang army enlisted personnel.

Pero hindi lang sila ang pwede matupad ang ambisyong maging sundalo ng bayan. Ang maganda kasing balita, nagbukas ngayon ang Philippine Army ng mahigit 5,000 bakanteng posisyon para sa mga nagnanais na maging bahagi ng kanilang organisasyon. 

Ayon sa spokesperson ng Philippine Army na si Lt. Col. Ramon Zagala, “sa calendar 2019 mayroon tayong quota of 5,387 soldiers to be admitted in the Philippine Army at sa 5,387 na ito, 610 are officers and 4,777 are enlisted personnel. Kada taon kasi may tinatawag tayong attrition, at sa attrition kasi mayroon tayong mga sundalo na magreretiro, o kaya magre-resign at ayaw nang maging sundalo or sa masamang palad man ay namatay dahil sa digmaan kailangan na lagyan natin ng laman ang mga units natin ng warm bodies kaya magrerecruit tayo.”
 
Sasabak sa 6 na buwan na training ang mga enlisted personnel na matatanggap sa recruitment process. Ang mga graduate ng high school ay inaanyayahan ding sumali. At kung gusto namang maging opisyal, ibang proseso naman ang kailangang tatahakin.

Paliwanag ni Zagala: “Kung kayo ay may special skills mas maganda din kasi nga hindi naman lahat ay nilalagay sa war fighting may mga non-combat din. Mayroon ding merit between the ages 18 and 23 at mayroon pong firm commitment to serve the country at you want selfless service ay pwede po kayong ma-enlist. Sa mga gustong maging opisyal, maaari silang mag-apply sa Philippine Military Academy. Pwede kayong mag-take ng Philippine Military Academy entrance exam at pwede kayong maging kadete. Kung kayo ay graduate ng ROTC, pwede rin silang magpa-active ng kanilang course at maaari na silang maging opisyal.may mga professionals na abogado, doktor at pari, pwede po yang magtraining sa Philippine Army. So ’yun ang para sa mga opisyal.” 

Magsasanay ng isang taon sa Camp o Donell sa Capas, Tarlac ang mga officer na mapipili ng Philippine Army. Mas mahaba kaysa sa enlisted personnel training dahil sinasanay ang mga aplikante sa pagdedesisyon at pagiging lider.

Five feet lamang ang height requirement para sa mga officer candidate at enlisted personnel. Bukas din ito para sa mga babaeng aplikante.

Libre ang pag-a-apply sa Philippine Army at sa oras pa na matanggap at magsimula na sila ng training, makakatanggap na agad sila ng sahod. Bukod sa karangalang makapaglingkod sa bayan, magandang sahod at benepisyo rin ang matatanggap ng mga magiging sundalo.

Paliwanag dito ni Zagala: “Kung high school grad na enlisted personnel, 72 units pumasok ka, matatanggap mo pag-graduate at matatanggap mo pag private ay halos P41,000. Kung opisyal naman whether graduate ka ng PMA or officer preparatory course or technical courses, 2LT will receive about P50,000 monthly. Kasama na doon ang combat pay, mess allowance, laundry allowance, ’yun na po lahat kasama na po doon. Malaki pero may peligro ang trabaho kaya dapat laging naghahanda. Hindi rin natin matanggal ang danger at ang possibility na pwede kang ma-wounded, pwede kang mamatay. Ifa-factor in din natin ’yun na dapat alam ’yan ng ating mga aplikante at importante na magampanan ang misyon despite na may mga danger silang hinaharap.”

At para naman sa mga kababayan nating gustong maglingkod sa bayan bilang isang sundalo pero lagpas na sa qualified age, may tinatawag na Reserve Command ang Philippine Army at dito, walang limitasyon sa edad. 

Paliwanag pa ni Zagala: “Ang pagpapasok ng reserve ay para rin siyang maging sundalo. Mag-e-exam ka din, pwede ka ring maging opisyal or enlisted. Lalapit lamang sa nearest community defense center, magsabi ng ating interest. Ang reserve ay malaking bagay para sa bansa natin, sila ang pupuno sa kakulangan natin kung sakaling mayroong regular forces kapag dumating ang panahon. Dalawa ang ating reserve units. Ang ready reserve at ang standby reserve. ’Pag ikaw ay naka active duty, kung ikaw ay nag-training ng 3 months kung ano ang rangko mo ’yun ang tatanggapin mo na sweldo mo during the duration na naka active duty ka.” 

Isa nga sa mga pumasok bilang reservist ang aktor na si Matteo Guidicelli. Kwento niya: “I’m already 29 years old but I wish this happened earlier in my life and in my career. I wish I was given this opportunity and to surround myself with heroes in the Philippines, people who fought in Marawi. When I was in college, maraming recruitment at naiisip ko papasok ba ako, pero naiisip ko I am a Filipino. If I’m going to do it, I will do it in the Philippines. Years after, it’s a dream come true.”

Ikakalat sa 11 infantry divisions ng Philippine Army ang mga bagong recruit. Kaya naman para sa mga interesadong mag-apply, maaaring bisitahin ang kanilang website na www.JoinTheArmy.ph para sa ibang detalye.

___


Sa mga isyung lahat tayo may pakialam, manood na ng FAILON NGAYON tuwing Sabado pagkatapos ng Pinoy Brother Otso
11:00 ng gabi sa ABS-CBN! 

Mapapanood ang replay ng FAILON NGAYON sa ANC tuwing Linggo, alas 2:00 ng hapon. 

Mag-kumento at ipahayag ang inyong saloobin sa aming official Facebook pages, https://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage.
 
I-follow din ang Failon Ngayon sa aming official Twitter account sa https://www.twitter.com/Failon_Ngayon o @Failon_Ngayon at gamitin ang hashtag na #FailonNgayon.

Maaari ding mapanood ang ibang segments at episodes ng Failon Ngayon sa Youtube at iwant! Bisitahin lamang ang www.youtube.com/abscbnnews at ang www.iwant.ph