Pagbibigay ng tulong pinansiyal sa college students pinag-aaralan

ABS-CBN News

Posted at May 04 2020 05:37 PM | Updated as of May 04 2020 09:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kung dati ay dagsa ang mga tao sa tapsilugan ni Thess Domingo, humina ito at nawalan ng kita matapos magpatupad ang gobyerno ng enhanced community quarantine para mapabagal ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Dahil walang kita, posibleng pahintuin ni Domingo ang kaniyang anak sa pag-aaral sa isang pribadong pamantasan.

Isa lang ang anak ni Domingo sa mga estudyanteng maaaring lumipat sa mga pampublikong kolehiyo o unibersidad matapos maapektuhan ng pandemic ang kabuhayan ng kanilang mga magulang.

Ayon sa Commission on Higher Education (CHED), pinag-aaralan na nila ang mga paraaan para makapagbigay ng tulong pinansiyal sa mga estudyante at maiwasan ang paglipat ng marami sa mga pampublikong pamantasan.

Isa sa mga nakikitang solusyon ng CHED ang pagtaas ng pondo para makakuha ng study loans ang mga estudyante na may zero interest.

"Hindi kasi natin silang pwedeng ilipat sa public universities kasi sagad na rin ang carrying capacity ng state universities and colleges kaya ang hinahanap natin kung paano sila bigyan ng financial assistance," ani CHED Chairperson Prospero de Vera.

Dagdag na subsidiya at pagpapatupad ng stimulus package para sa mga paaralan ang ilan pa sa mga solusyong nakikita ng CHED.

Sa ngayon, umapela ang CHED sa Department of Budget and Management para hindi maapektuhan ang pondo para sa higher education.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.