COUPLE GOALS: Bagong kasal, pasado sa Bar exams

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at May 04 2019 06:25 PM

Nakapasa sa bar exam sina Amon at Rasul dalawang araw matapos ikasal noong Mayo 1, 2019. Contributed photo

Laking tuwa ng mag-asawang mula Maguindanao nang malamang sabay na pumasa sa Bar exams dalawang araw matapos sila ikasal.

Mayo 1 nang ikasal si Amon Jadeedah Pacasem at Rasul Salik.

Hindi pa umano nila inaasahan na makakapasa pero itinuring na nila itong pinakamagandang regalo bilang mag-asawa.

“We went to Davao just to avoid people and pressure. We didn't expect… tapos sabi ko how would I react? We have to compose ourselves kung paano namin sila haharapin pero God is good,” sabi ni Amon.

Hindi rin makapaniwala si Rasul na nakasama sila sa listahan ng mga pumasa.

“Ako was inside the mosque, I was praying. Pag on ko ng data, boom, text, calls came. At first I was not sure kasi we just got married, 'yung greeting might refer to our wedding. I was crying kasi May 3 is death anniv rin ng papa ko," sabi naman ni Rasul.

Pareho ring certified public accountant ang mag-asawa na magkaklase sa law school sa Notre Dame University sa Cotabato City.

Magkasama rin sila sa pag-review sa Maynila at hanggang sa pagkuha ng Bar exams ay naging support system ang isa't isa.

Pressured umano lalo na si Amon na mayroon nang dalawang nakatatandang kapatid na abogado habang unang abogado naman sa pamilya ang mister nitong si Rasul.

“There's always a pressure since I entered law school kasi there's expectation from the family and relatives considering na sister and brother ko lawyers, puro first take,” sabi ni Amon. 

May pangamba rin siya noon na baka siya ang unang Pacasem na hindi makapasa sa Bar exams.

“It was never easy, nagtatrabaho rin kasi kami," saad niya.

Kuwento naman ni Rasul na kasama nilang nag-review sa isang dorm sa Maynila ang kanilang mga kaibigan. 

“We went to one review school, nagdadamayan kami doon, ultimo pagkain, laundry, studies," saad niya.

Magkaklase sa law school ng Notre Dame University-Cotabato City sina Amon at Rasul na kapwa nakapasa sa bar exam. Contributed photo

Naiyak at walang mapagsidlan naman ng tuwa ang nanay ni Amon, ngayong tatlo sa 11 anak nito ay abugado na.

Retired public school teacher ang nanay ni Amon habang kasapi ng Moro Islamic Liberation Front ang ama nito.

“Masaya, hindi ko lang masabi kung gaano kasaya 'yung pagkakaroon ng tatlong abogado, I don't really expect that kasi kung tutuusin we came from 'yung family na wala. We started from zero. ‘Di ko ini-expect na ganon 'yung maabot ng mga anak ko," sabi ni Samera Pacasem.

Maliban kina Amon at Rasul, anim pa mula sa Notre Dame University ang pumasa rin sa Bar exam.

Kabilang sila sa 22.07 percent o 1,800 passers mula sa 8,158 na nag-take ng Bar exams.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.