5 suspek timbog sa hiwalay na buy-bust sa QC

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at May 04 2019 10:46 AM

MAYNILA – Lima ang naaresto sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation sa Quezon City, Sabado ng madaling araw.

Unang nahuli ang tatlong lalaki at isang babae sa operasyon sa Barangay Tandang Sora.
 
Ayon kay Police Lt. Harry Basilio ng Talipapa Police station, matagal na nilang mino-monitor ang mga suspek dahil sa dami ng sumbong ukol sa kanila. 

Matapos ang buy-bust, inaresto agad ang apat na suspek na aminadong gumagamit ng droga pero iginiit na hindi sila nagbebenta.

Nakuha sa kanila ang 5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P30,000. 

Nahuli naman sa isa pang operasyon ang isang lalaki sa Barangay Bahay Toro. Notoryus umanong tulak ng droga ang suspek sa lugar.

Nakuha sa kaniya ang pitong sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng nasa P60,000 hanggang P70,000. 

Nakakulong na ang mga susoek sa Quezon City Police District Station 3.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.