4 sugatan sa karambola ng 3 motorsiklo

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at May 04 2019 09:35 AM

Nilalapatan ng paunang lunas ng rescuers ang dalawa sa apat na nasugatan sa karambola ng tatlong motorsiklo sa Zamboanga City. RJ Rosalado, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY – Apat ang sugatan sa karambolang kinasangkutan ng tatlong motorsiklo sa Barangay Pasonanca dito sa bayan, Biyernes ng gabi.

Ayon sa pulisya, unang sumalpok ang isang motorsiklo na minamaneho ng isang binata sa asphalt kettle machine na ginagamit ng contractor para sa asphalt overlay project sa lugar.

Nawalan ng kontrol sa manibela ang binata hanggang sa nabangga din niya ang dalawang kasalubong na motorsiklo.

Nagtamo ng galos sa paa at katawan ang binata pati ang kaniyang angkas na kaibigan.
 
Nasugatan din sa paa at braso ang kasalubong na dalawang driver.
 
Sabi ni Ferdie Nuevo na nakasaksi sa aksidente, mabilis ang takbo ng motorsiklo ng binata.

Hindi niya napansin ang ilang equipment ng contractor sa daan kaya sumalpok ang motorsiklo nito sa asphalt kettle machine.

Wala ding suot na helmet ang binata at ang kaniyang kaibigan.

Iniimbestigahan pa ng mga pulis kung may pananagutan sa aksidente ang contractor ng asphalt overlay project.

Ito’y matapos na walang nakitang early warning traffic signage sa daan para gabayan ang mga dumadaang motorista at makaiwas sa aksidente.

Wala ding itinalagang flagmen ang contractor matapos nila pansamantalang isara ang isang lane ng highway.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.