2 patay nang manlaban umano sa operasyon ng pulisya sa Caloocan, Bulacan

ABS-CBN News

Posted at May 04 2019 02:59 PM | Updated as of May 04 2019 07:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Dalawa ang patay nang manlaban umano sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Caloocan City at Bulacan nitong Biyernes.

Patay ang isang hinihinalang holdaper nang magpaputok umano nang masukol ng awtoridad sa isang follow-up operation sa Barangay 21. 

Kuwento ng na-holdap umano na si alyas "Shane," pinagbantaan siya ng suspek at tinangay ang kaniyang wallet at cellphone.

"Nilapitan niya ako, tinutukan. Saka sinabi na holdap. Pambili ko po 'yun ng gamot ng tatay ko," kuwento ni Shane. 

Naibalik man ang kaniyang wallet, di na niya nakuha ang kaniyang cellphone.

Ayon kay Police Capt. Jervies Soriano ng Caloocan Police, posibleng naipasa sa iba ang cellphone ng biktima. 

Samantala, patay sa hiwalay na engkuwentro sa Bulacan ang isang lalaking kasama umano sa watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). 

Kinilala ang nabaril na si Ryan Carandang, na nanlaban umano sa buy-bust operation sa Barangay Tungkong Mangga sa San Jose Del Monte noong Biyernes. 

Natagpuan kay Carandang ang isang sumpak at mga sachet ng hinihinalang shabu. 

Nakatakas naman ang kaniyang kasama. 

-- Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.