Dating alkalde ng Tarlac, sinampahan ng kasong katiwalian

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at May 04 2018 05:58 PM

MAYNILA- Kinasuhan ng graft o katiwalian ng Office of the Ombudsman ang dating alkalde ng Mayantoc, Tarlac na si Tito Razalan sa Sandiganbayan nitong Biyernes.

Damay rin sa kaso sina dating municipal engineer at Bids and Awards Committee Chairperson Rodolfo Felipe, dating municipal treasurer Nilda Salazar, dating budget officer Florence Bueno, dating administrative officer Marilene Bedania, at dating municipal agriculturist na si Samaniego Bedania.

Kaugnay ito sa pakikipagsabwatan umano ng mga nabanggit ng tao para paboran ang JQG Construction para sa Mayantoc Memorial Park Project noong taong 2009.

Ayon sa Ombudsman, iginawad ang proyeko sa contractor sa kabila ng mga aniya'y iregularidad at mga paglabag sa proseso ng bids and awards committee kabilang ang hindi pagbabayad ng may-ari nito na si Jose De Guzman ng P5,000 para sa mga dokumento.

Kahit kulang sa mga kailangang dokumento, naglabas pa rin aniya ang ilang akusado ng project acceptance and certificate of project completion.

Umabot umano sa higit P24 milyon ang naibayad sa JQG Construction.

Samantala, nasa P30,000 naman ang inirekomendang piyansa ng prosekusyon sa mga akusado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.