Gutom na 'Abu', nangatok ng bahay sa Bohol, nahuli

ABS-CBN News

Posted at May 04 2017 05:29 PM

Interogasyon sa hinihinalang kasapi ng Abu Sayyaf na si alias 'Abu Saad' sa loob ng Camp Gov. E Bernido, Tagbilaran City. Annie Perez, ABS-CBN News

TUBIGON, Bohol -- Isang hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf ang nahuli matapos masugatan sa naganap na engkuwentro kontra sa puwersa ng gobyerno. Nagutom umano ito at humingi ng pagkain sa isang bahay. 

Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla ang pag-aresto ngunit wala pang ibinibigay na mga detalye. 

Sa paunang balita, ang suspek na nakilalang si alyas 'Abu Saad' ay nahuli sa Barangay Tan-awan.

Ayon sa pinagkakatiwalaang police source, humingi umano ng pagkain si alyas 'Abu Saad' sa isang bahay at pinapasok. 

Inalerto kaagad ng mga may-ari ng bahay ang mga awtoridad kaya nahuli ang pinaghihinalaang miyembro ng Abu Sayyaf. Narekober ang kalibre .45 na pistol at isang magazine.

Nasa 12 kilometro mula sa highway ng Tubigon ang Tan-awan at malapit sa boundary ng Clarin. 

Patuloy pa ring sinusuyod ng awtoridad ang mga bayan ng Tubigon, Clarin, at Inabanga ilang linggo matapos pumasok sa probinsiya ng Bohol ang 11 miyembro ng Abu Sayyaf na may layong mangidnap noong panahon ng Semana Santa.

Sampu miyembro na ng Abu Sayyaf ang napatay sa magkakahiwalay na engkuwentro sa mga awtoridad. Kasama sa mga ito ang 'Abu' sub-leader na si Abu Rami, at ang kanilang kontak sa Bohol na si Joselito Melloria. 

-- May mga ulat nina Katrina Domingo at Annie Perez, ABS-CBN News; Henry Atuelan, DZMM 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.