3 miyembro ng Air Force, patay matapos magcrash ang helicopter

ABS-CBN News

Posted at May 04 2017 04:53 PM | Updated as of May 05 2017 09:40 AM

Photo courtesy of Bart Picassio

MANILA (UPDATED) - Patay ang tatlong sundalo ng Philippine Air Force (PAF) habang sugatan naman ang isa pa matapos magcrash ang sinasakyan nilang helicopter sa Tanay, Rizal nitong Huwebes ng hapon.

Isang piloto at 2 crewmen ang namatay nang magcrash ang UH-1D helicopter or Huey helicopter na kanilang sinasakyan.

Sugatan naman ang isa pang piloto.

Hindi pa pinapangalanan ang mga nasawi dahil hindi pa nasasabihan ang kanilang mga pamilya. 

Ayon kay 1Lt. Xy-zon Meneses, tagapagsalita ng 2nd Infantry Battalion, nangyari ang aksidente habang naghahanda ang helicopter na lumapag sa isang bakanteng lupa sa may Sitio Hilltop sa Barangay Sampaloc.

Ang crash site raw ay 200 metro lamang ang layo mula sa Camp Capinpin.

Wala namang sibilyan na nadamay sa aksidente.

Sa panayam ng ANC kay Col. Antonio Francisco, tagapagsalita ng PAF, sinabi nitong nangyari ang aksidente bandang alas-3 ng hapon.

Itinanggi rin niya ang posibilidad na hindi "air worthy" ang helicopter na ginamit ng mga biktima.

"We make sure that when we fly our choppers, they are all air worthy," ani Francisco.

Ayon sa PAF, nagsasagawa umano ang 2nd Infantry Division ng air-to-ground disaster rescue operation sa Camp Capinpin kasama ang 60 sundalo at 12 pulis mula sa Southern Tagalog nang magkaroon ng problema ang isa sa mga helicopter.

Iniimbistigahan pa ng otoridad ang insidente.

- with a report from Noel Alamar, DZMM