Kasambahay, inaresto matapos umanong pagnakawan ang among kongresista

ABS-CBN News

Posted at May 03 2019 12:18 AM | Updated as of May 03 2019 06:52 AM

MAYNILA - Arestado sa Maynila nitong Huwebes ang dating kasambahay ni AASENSO Party-list Rep. Teodoro Montoro matapos nitong tangayin ang credit card at ilang mahahalagang dokumento.

April 2 nitong taon nang tanggapin ni Montoro ang suspek na nag-apply na katulong. Pero April 4 nang magpaalam aniya ang katulong na may bibilhin pero hindi na bumalik.

Natangay ng suspek ang wallet ng kongresista na agad namang nagpa-blotter sa pulisya.

Kanina nakatanggap ng tawag si Montoro mula sa bangko na tinangka ulit gamitin ang kaniyang credit card. Nauna na niyang napa-block ang credit card matapos malamang nawawala ito kasunod ng pag-alis ng katulong.

Nakipag-ugnayan sa pulis si Montoro kung saan namonitor ang transaksiyon ng dating kasambahay gamit ang kaniyang credit card.

Watch more in iWant or TFC.tv

Huli ang suspek kasama ang isang lalaki na kaniya umanong nobyo. Nakuha sa kanila ang ilang gamit na pinamili.

Ayon kay Montoro, lagpas P100,000 rin ang natangay sa kaniya ng suspek na tinanggap niya noon kahit hindi na background check dahil kailangan nila ng katulong sa bahay.

Bagay na leksiyon aniya sa kaniya at sa mga kukuha ng mga kasambahay.

"Conduct due diligence kung may mag-apply, dapat kilala saan galing... Aminado ako naging reckless sa pag-recruit kasi kailangan ko ng katulong that time without conducting due diligence," ani Montoro. - Ulat nina Dexter Ganibe at Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.