BARKADA GOALS: 4 na magkakaibigan, topnotcher sa bar exam

Joworski Alipon, ABS-CBN News

Posted at May 03 2019 06:17 PM

Barkada goals kung ituring ng apat na topnotchers na galing sa University of San Carlos ang tagumpay na kanilang nakamit.

Naging instant reunion para sa apat ang pagkikita Biyernes kasabay ng paglabas ng resulta ng bar exam.

Sabay nilang sinuong ang hamon sa law school hanggang sa bar exam.

Top 2 ang anak ng isang retired general na si Marcley Natu-el.

Ayon sa kaniya, malaking tulong na maging recipient noon ng ABS-CBN Medal of Excellence Award na naging inspirasyon para ituloy ang kaniyang pangarap dahil sa murang edad ay nakita na niya ang pangangailangan sa mga abogado sa bansa sa kabila ng mga nakaambang panganib.

“I don't think that’s enough to stop me from pursuing my dream of helping other people,” sabi niya.

Para sa Top 3 na si Mark Badayos, nakagaan ng sitwasyon na may mga kasabayan siya sa review sa Maynila.

Isa sa mga kampyon ng ANC Square Off Season 13 si Badayos.

Marami na rin siyang nasalihan at napanalunan na mga moot competition sa labas ng bansa.

“It’s easier to go through the journey, if you have unified struggles, you have unified goals,” sabi niya.

Nasa Top 9 at Top 10 naman sina Jebb Lynus Cane at Alen Joel Pita.

Apat na sunod sunod na taon nang namamayagpag sa top 10 ang mga law graduate ng USC.

Pero ayon sa dean ng College of Law ng unibersidad, ito ay dahil sa tamang paggabay lang.

Kasabay ng kanilang tagumpay ay ang kanilang panawagan na mabigyang-pansin din ang hiling ng iba pang law student na ma-decentralize na ang pagsasagawa ng bar exam.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.