1-taong gulang na bata kritikal nang mabangga ng kotse sa Ilocos Norte

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at May 03 2019 03:51 PM

CURRIMAO, Ilocos Norte – Kritikal ang 1-taong gulang na batang babae matapos mabangga ng kotse sa national highway sa Barangay Pias Sur, Lunes ng hapon.

Masakit para kay Mary Estabillo na makitang nasa intensive care unit o ICU ang apo na si Tricia Mae Ortiguero. Wala pa rin itong malay. 

“Kritikal, may crack ang ulo kailangan daw maoperahan,” sabi ni Estabillo.

Alas-6 ng hapon nang biglang tumawid ang bata at mabangga ng puting sasakyan na mabilis ang takbo.

Iniwan umano ni Estabillo ang apo na nakikipaglaro sa mga pinsan nito para siya ay maglaba.

“Nakita ko apo ko nakahandusay, binuhat ko,” sabi niya.

Walang nakapansin sa plaka ng kotse.

Sa ngayon, pinag-aaralan ng pulisya ang kuha ng ilang CCTV malapit sa pinangyarihan ng insidente.

Hiling naman ng pamilya na sumuko at tumulong sa mga gastos sa ospital ang nakabangga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.