1 Nigerian patay, 7 arestado sa online ‘love scam’

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at May 03 2019 09:34 PM

MAYNILA—Patay ang isang Nigerian habang 7 iba pa ang arestado sa pagkakasangkot sa online "love scam" o catfishing.

Patay si Orisakwe Ifeanyi matapos umanong magtangkang hagisan ng granada ang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa ikinasang operasyon sa lungsod ng Imus, Cavite.

Iniharap naman ng NBI nitong Biyernes sa media ang 7 Nigerian na naaresto base sa search warrant na inisyu ng Imus Regional Trial Court Branch 21.

Ayon sa NBI, bukod sa love scam, dawit din ang mga suspek sa iba pang krimen gamit ang internet gaya ng credit card skimming.

Nakuha mula sa mga suspek ang 6 na laptop, 11 mobile phones, 1 skimming device, granada, 1 9mm pistol, 8 bundle ng pekeng dolyar at mga credit card.

Mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa law on explosives, Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, at Cybercrime Prevention Act of 2012.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.