Lalaking paralisado, patay sa nasusunog na bahay

ABS-CBN News

Posted at May 03 2018 08:45 PM

LAPU-LAPU CITY -- Labis ang pagdadalamhati ng inang si Dolores Nayra matapos mamatayan ng anak at masunugan ng bahay Huwebes ng madaling araw sa Barangay Pusok, Lapu-Lapu City.

Namatay ang 45 anyos na anak ni Dolores na si Domingo Nayra Jr. sa insidente. 

Ayon kay Dolores, tulog na sila nang biglang nagising dahil sa apoy na unti-unti nang lumaki sa loob ng kuwarto ng kanyang anak at mga apo.

Dahil maraming bata sa bahay, sila ang unang iniligtas kaya't hindi na nila nabalikan pa si Domingo na nakahiga lang sa kanyang kama.

Apat na taon nang paralisado ang biktima matapos itong mabundol ng isang pick-up. 

Nagbilin si Domingo na siguruhin ang kaligtasan ng mga bata, at sinabing siya na ang bahala sa sarili niya. 

Ani Dolores, hindi niya matanggap ang pagkawala ng anak na pinagsilbihan niya sa loob ng apat na taon. 

Kuwento naman ng pamangkin ng biktima na si Anjanick Nayra, sinubukan niyang hilahin ang higaan ng kanyang tiyuhin ngunit hindi niya kinaya lalo't mabigat ito at siya lang mag-isa. Mabilis ding lumaki ang apoy.

Sinabihan umano ito ng tiyo na lumabas na lang, at iwan na siya. 

Sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, sinindihang katol ang sanhi ng sunog.

Dalawang bahay ang natupok. 

Nagpapasalamat naman ang BFP na hindi malakas ang hangin kaya hindi agad lumaki ang apoy. 

--Ulat ni Aiza Layague, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.