Buwis sa honorarium, inalmahan ng mga gurong magsisilbi sa halalan

ABS-CBN News

Posted at May 03 2018 08:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inirereklamo ng mga guro na magsisilbi bilang Board of Election Tellers sa darating na barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections ang pagkakaltas sa kanilang honorarium at allowance ng 5 porsiyentong tax. 

Ayon sa maraming guro, naengganyo pa naman silang magpresenta dahil ito sana ang unang taon na mararamdaman ang epekto ng Election Service Reform Act (ESRA) na nagtataas sa bayad sa mga magsisilbi ngayong halalan.

Sa ilalim ng nasabing batas, P6,000 na ang matatanggap ng chair of electoral boards, P5,000 para sa mga miyembro ng electoral boards, P4,000 para sa Department of Education supervisor official at P2,000 naman para sa support staff.

Makatatanggap din sila ng P1,000 na travel allowance.

Nakasaad din sa ESRA na ang honoraria at allowance ay dapat matanggap 15 araw mula sa araw ng eleksiyon. 

Bukod pa riyan, may 5 araw na service credit pa, legal indemnification package, medical assistance, at kung mamatay dahil sa eleksiyon ay may P500,000 na death benefit.

Pero dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, makakaltasan ng 5 porsyentong buwis ang honorarium at travel allowance ng mga teacher ng mula P250 hanggang P350, bagay na ayaw nilang palampasin

"Iyung P350, ilang kilo ng bigas [mabibili diyan]? Pamasahe, pagkain, pang-load. Importante 'yun. So malaking bagay ang P250-P350 na mawawala sa nagsisilbi sa election," paliwanag ni Quezon City Public School Teachers Association secretary general Mabelle Caboboy.

Ayon naman sa Department of Education (DepEd), kaisa sila sa hinaing ng mga guro kaya lang ay may batas daw na dapat sundin.

Pero nilinaw din nila na puwedeng ma-reimburse ang buwis na kinaltas, depende sa gross income ng guro.

"Under the TRAIN law, kung hindi naman lumagpas ang kanilang income sa threshold amount na P250,000, wag po silang mag-alala dahil wala dapat bawas na mangyayari sa ano mang honorarium at allowances na makukuha nila. At ang pagkakaunawa ko po ay maibabalik po ito by way of tax refund," ani DepEd spokesperson Tonisito Umali.

Pero panawagan ng DepEd sa Commission on Elections (Comelec), huwag na sanang ituloy ang pagbubuwis sa kita ng mga guro.

"Prior to the effectivity of ESRA, no poll honoraria were ever subjected to income tax. Now that ESRA has improved the compensation package of volunteer-teachers, it is only fitting that they truly benefit from their hard-earned compensation," ani DepEd Secretary Leonor Briones.

May ilan namang guro na hindi na masyadong iniinda ang kaltas sa honorarium.

"At the end naman, papayag din naman 'yan eh. Wala kaming magagawa, nasa gobyerno kami. At least mayroon kaming P5,700," ani Emeverta Anub, magsisilbing chair ng electoral boards. 

Sabi naman ng Comelec, sa ngayon ay nananatili pa rin ang desisyong patawan ng buwis ang kikitain ng mga guro.

"As of April 19, 2018, the controlling guidance is that the honoraria will be taxed, per BIR (Bureau of Internal Revenue) ruling no. 003-08, as cited by BIR commissioner Caesar Dulay," ani Comelec spokesperson James Jimenez. -- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.