Suspek sa pag-upload ng 'Bikoy' videos arestado ng NBI

ABS-CBN News

Posted at May 02 2019 11:29 AM | Updated as of May 02 2019 08:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pinaghihinalaang nag-upload ng viral video na nagtuturo sa umano'y ugnayan ng ilang kaanak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilegal na droga, ayon sa kawani ng Department of Justice (DOJ).

Sa isang press conference, kinilala ang naaresto bilang si Rodel Jayme. Nakapangalan umano sa kaniya ang website na "metrobalita.com" na itinuturong nagpapakalat sa mga serye ng video.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, lumamabas sa kanilang imbestigasyon na ang naturang website ang nagshe-share ng serye ng mga video na pinamagatang "Ang Totoong Narco-list."

"Further investigation disclosed that a certain website with domain name metrobalita.net was constantly posting links of the aforesaid Ang Totoong Narco-list video, which allowed the public to have easier access thereto,” aniya.

Sinampahan na rin ng kasong inciting to sedition si Jayme.

Isinasangkot din ang metrobalita.net sa matrix na inilabas ng Malacañang at Manila Times na idinadawit sa pagpapatalsik ng Pangulo.

Nauna nang nilinaw ng DOJ Cybercrime Office na ang video uploader ang naaresto ng NBI, at hindi si alyas "Bikoy," ang whistleblower sa likod ng viral video.

Sinabi rin noon ni Atty. Charito Zamora ng DOJ Cybercrime Office, na dahil sa kasong cyberlibel ang pagkakaaresto sa nag-upload.

"The guy that was arrested by the NBI was the one who uploaded the 'Bikoy videos' for cyberlibel, not Bikoy himself," aniya sa ABS-CBN News.

Sa video, na pinamagatang "Ang Totoong Narco-List," inilahad ni Bikoy na dati siyang nagtatago ng mga rekord ng mga drug syndicate na may ugnayan umano sa ilang anak at kasamahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Idinadawit sa naturang video ang anak ni Duterte na si dating Davao City Vice Mayor Paolo, ang kaniyang bayaw na si Atty. Manases Carpio at ang dating aide ng pangulo si Christopher "Bong" Go.

Ayon sa video, may pumapasok umanong milyon-milyong drug money sa mga bank account nina Paolo, Carpio at ni Go.

Ayon pa sa NBI, maaaring kasuhan si Jayme ng child abuse dahil idinawit sa mga video ang anak ni Duterte na si Veronica.

Sinabi rin ni Bikoy sa video na may tato ng "dragon-like figure" ang likod nina Paolo at ni Go at ang umano'y alphanumeric code ng mga umano'y drug tainted na bank accounts.

Dati nang pinabulaanan nina Paolo, Carpio, at Go ang kanilang pagkadawit sa iligal na droga.

Sa isa namang text message, sinabi ni Davao City Mayor Sara Duterte, anak ng pangulo at asawa ni Carpio, na wala siyang planong kasuhan ang nag-upload ng video.

LEGAL BA?

Kinuwestiyon naman ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson ang pang-aaresto kay Jayme lalo't search warrant at hindi arrest warrant ang ginamit ng NBI.

Dapat din aniyang ipaliwanag ng mga awtoridad ang basehan para hulihin si Jayme.

"Without proper legal basis for conducting arrest... I think the DOJ or NBI should explain why they arrested him," aniya.

Nanawagan naman ng malalim na imbestigasyon sina opposition senatorial candidates Gary Alejano at Florin Hilbay.

Ipinanawagan naman ni senatorial candidate Chel Diokno na itaguyod ang due process sa naaresto.

"Kahit sino naman na aarestuhin ng ating pamahalaan ay talagang may karapatan at sana naman kahit sino man 'yun ay igalang ang karapatan ng sinasabi nilang hinuli nila," ani Diokno, na isang abogado.

-- May ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.