Higit 2,000 ballot boxes dumating na sa Pangasinan

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at May 02 2019 06:17 PM

Dumating na Miyerkoles sa Pangasinan ang nasa 2,558 na ballot boxes na may lamang official ballots na gagamitin sa 44 bayan sa lalawigan sa darating na halalan.

Mahigpit na binabantayan ng Pangasinan Provincial Police Office ang mga balota na dumating ngayong Huwebes mula sa central office ng Commission on Elections.

Makikita sa bawat ballot box ang ballot ID o ang tracking number.

Nakaimprenta rin sa ballot boxes ang polling precinct, barangay at munisipyo na pagdadalhan ng mga ito para maiwasang mawala.

Dadalhin sa mga Municipal Treasurer's Office ang mga official ballots at may nakatalagang police personnel na magbabantay sa mga opisina para maiwasan ang pagsabotahe sa mga ito.

Noong Abril 22, dumating na rin sa mga Comelec hub ang nasa 2,632 na vote counting machines (VCM).

Sa mismong araw ng eleksyon sa Mayo 13 lamang maaring buksan ang mga balota.

Magkakaroon naman ng final testing and sealing ng mga VCM sa Mayo 10 para malaman kung may depekto ang mga ito bago gamitin sa Mayo 13.

Mahigit 1.9 milyong botante sa lalawigan ang nakatakdang bumoto sa Mayo 13.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.