ALAMIN: Iskedyul ng pagsasara ng Regalado Highway at alternatibong ruta

ABS-CBN News

Posted at May 02 2018 11:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inanunsiyo ng MRT-7 contractor na EEI Corporation nitong Miyerkoles na magsisimula na sa Sabado, Mayo 5, ang gabi-gabing pagsasara ng Regalado Highway sa Quezon City.

Mas maaga ito ng isang araw sa unang petsang ibinigay.

Simula alas-10 ng gabi ng Sabado hanggang alas-singko ng madaling araw, hindi madadaanan ang kabuaan ng Regalado Highway dahil sa paglalagay ng girder para sa riles ng MRT-7.

Mula alas-singko naman, southbound lane lang ang magagamit sa kalsada.

Mindanao Avenue palabas ng Commonwealth umano ang pinakamainam na alternatibong ruta hanggang makumpleto ang girder sa Hulyo 30. 

Bukas din ang mga subdivision na North Fairview Park at Fairmont para magamit ng light private vehicles mula alas-singko ng madaling araw hanggang alas-nuwebe ng gabi.

Magbubukas din para sa light vehicles ang Sitio Seville mula alas-sais ng umaga hanggang alas-sais ng gabi.

Sinimulan na rin ang paglalagay ng pundasyon ng MRT-7 Tandang Sora station sa Commonwealth Avenue.

Sa Oktubre naman nakatakdang gibain ang Tandang Sora-Commonwealth flyover para gawin ang istasyon at guideway.

Pinaiiwas din ang mga motorista sa Ortigas area hanggang Mayo 6 dahil sa taunang pulong ng Asian Development Bank. 

Isasara naman sa Linggo, mula alas-12 ng hatinggabi, ang kahabaan ng Roxas Boulevard mula Buendia hanggang Luneta o Quirino Grandstand.

Ito ay para sa Worldwide Walk for Poverty ng Iglesia ni Cristo na idaraos mula Cultural Center of the Philippines hanggang Quirino Grandstand.

Nasa higit kalahating milyon ang inaasahang dadalo sa event na inaasahang matatapos sa Linggo ng hapon.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.