2 sundalo patay sa pamamaril sa Cotabato City

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at May 02 2018 11:21 PM

COTABATO CITY - Patay ang dalawang sundalo matapos pagbabarilin ng hindi kilalang salarin sa Mother Barangay Bagua, Cotabato City nitong Lunes ng umaga.

Ang dalawa ay pawang naka destino sa 12th Special Forces Company sa Mother Barangay Kalanganan ng lungsod.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na maaaring ang armadong grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nasa likod ng pamamaril bilang paghihiganti sa mga military operation sa mga kalapit bayan.

"Ang pinakamalapit na motive na nakikita namin, related ito sa trabaho. Work-related o mission-related kasi kung titingnan ang background walang derogatory report na sangkot sa droga, sugal, naagrabyado na tao o babae," ani Lt. Col. James Uri, commander ng 5th Special Forces Battalion.

"At the same time walang nawala na gamit sa kanila, pero malinis, so ang nakikita namin patayin lang talaga sila, posible ring BIFF kasi months before may warning na magsasagawa ng liquidation. Or pwede ring sa pagtatrabaho natin dito, may nasagasaan, nagalit, but primarily tingin natin BIFF."

Pero hindi rin isinasantabi ng pulisya at maging ng Special Forces ang posibilidad na may kinalaman rin ito sa mga naisagawang law enforcement operation sa Cotabato City.

Kalimitan kasing katuwang ng pulisya ang Special Forces sa mga operasyon sa lungsod.

"Konti lang yung personnel natin kaya tumutulong sila kaya hindi rin maisantabi na maaring resbak sa kanila. At sila lang ang na-timingan," ani Senior Insp. Tirso Pascual ng Police Station 4.

Aminado naman ang pulisya na hirap silang makuha ang pagkakakilanlan ng mga salarin lalo pa't hindi umano nakikipagtulungan ang mga residente sa pinangyarihan ng pamamaril.

"Unfortunate, nakakapanghinayang na may binaril na, walang nagsasalita, walang nag-cooperate. Kung takot sila, magtext sila 
sa akin ng personal para kahit papaano makapag establish tayo ng identity ng suspect," ani Pascual.

Inuwi na sa kanilang pamilya sa Upi, Maguindanao at Alamada, North Cotabato ang mga labi ng mga sundalo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.