3 miyembro umano ng NPA, patay sa engkuwentro sa Negros Oriental

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at May 01 2020 12:07 AM

Patay ang tatlong hinihinalang miyembro ng rebeldeng New People's Army (NPA) sa engkuwentro laban sa mga tropa ng militar sa bayan ng Bindoy sa Negros Oriental nitong Huwebes.

Isang sundalo din ang nasugatan sa engkuwentro.

Ayon kay Col. Inocencio Pasaporte, commanding officer ng 303rd Brigade ng Philippine Army, nagsasagawa ng patrol at nagbabantay sa huling araw ng releasing ng social amelioration grant ang mga awtoridad nang makatanggap ng impormasyon ang tropa ng gobyerno na may mga miyembro ng NPA sa lugar.

Rumesponde ang mga sundalo at naka-engkuwentro umano ang mga rebelde sa Barangay Cambudlas pasado alas-4 ng hapon.

Tumagal ng 30 minuto ang palitan ng putok.

Ayon kay Pasaporte, Huwebes ng gabi nakita ng militar ang tatlong hindi pa nakikilalang mga rebelde.

Nakuha din sa pinangyarihan ng insidente ang isang shotgun, dalawang bandolier, at dalawang backpack.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.