Mall sa Benguet, pinagmumulta dahil sa pagtatapon ng septic waste sa ilog

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at May 01 2019 05:53 PM

LA TRINIDAD, Benguet - Pinagmumulta ng lokal na pamahalaan ang isang mall sa bayan ng La Trinidad, Benguet matapos mapag-alamang dumidiretso sa isang ilog ang septic waste nito.

Pebrero nang magpaskil ng mga poster ang mga residente ng Barangay Balili para ireklamo ang nangangamoy na septic waste na tumatagas umano mula sa isang mall sa lugar. Dumidiretso rin umano ang dumi sa Balili River.

Nagkaroon ng samu't saring inspeksyon ang Environmental Management Bureau (EMB) para matukoy ang pinagmumulan ng tagas.

Noong March 8, isang dye test ang isinagawa sa septic waste ng Tiong San Mall sa La Trinidad kung saan kinulayan nila ng pula ang dumi mula sa mall.

At matapos ang 40 minuto, nakuhanan ng mga residente ng video ang pulang duming lumalabas sa isang butas na dumidiretso sa Balili River. Ito ang naging patunay na nagmumula ang septic waste sa nasabing mall.

Malinaw umanong paglabag ito sa Republic Act 9275 o Philippine Water Act of 2004.

“Yung binigay namin penalty sa kaniya is only P50,000 for the ECC yan, pero once, pero they're given due process naman e so bibigayan mo sya ng chance na papano mo i-improve at the same time contain mo yung pollution,” ani Regional Dir. Ma. Victoria Abrera ng EMB-DENR.

Dalawang taon ang ibinigay na palugit sa mall para maisaayos ang problema sa septic tank.

“Within 23 months yung kanilang Compliance Action Plan. Ang Compliance Action Plan kasi, within the time frame of the proponent, approved by the DENR-EMB. So kami, I haven’t approved their compliance action plan, hindi lang naman isa lang ito, marami itong activities na kailangan gawin, ‘yung dislodging continuous yan. Kasi while you are having this commitments, you are containing your pollution,” dagdag ni Abrera.

Tinitingnan na rin umano ng EMB kung kinakailangan nang magkaroon ng Sewage Treatment Plant (STP) ng mall.

Pero sa kabila ng pagmumulta ng mall, may patuloy na hinaing ang mga residente.

“Mayroon pa rin eh, nagtatapon sila, andoon pa rin 'yung masangsang na amoy, halatang may kemikal 'yun, kasi araw-araw yun,” ani Brenda Chilem, kinatawan ng mga residenteng nagrereklamo laban sa mall.

Iimbestigahan ulit umano ng EMB ngayong Lunes kung totoong patuloy ang pagtagas mula sa mall. Dumadaloy ang tubig mula sa Balili sa ilang bahagi ng Baguio, mga munisipyo ng La Trinidad, at Sablan at bumababa sa La Union.

Sa kanilang opisyal na pahayag, sinabi ng Tiong San Mall na sinisiguro nila ang paggawa ng mga hakbang para masunod ang lahat ng environmental requirements na hinihingi ng gobyerno.

Nakikiisa rin umano sila sa munisipyo ng La Trinidad at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagtiyak sa kaligtasan at kalinisan ng kalikasan.

Sa huli, nagpasalamat sila sa pasensya at suporta umano ng pamahalaan at komunidad para sa iisang layunin na mapangalagaan ang kapaligiran.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.