Kaliwa't kanang kilos protesta sa Labor Day umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at May 01 2019 11:32 AM

MAYNILA — Nagsimula nang magprotesta ang ilang grupo bilang parte ng taunang paggunita sa Labor Day ngayong Miyerkoles. 

Kaakibat nito, inaasahan ang pagtitipon-tipon ng ilang grupo sa ilang bahagi ng Maynila ngayong araw para tumindig hinggil sa mga karapatan ng mga manggagawa. 

MENDIOLA 

Tumulak pa-Mendiola nitong umaga ang ilang grupo para igiit ang mga karapatan ng mga manggagawang Pinoy. 

Nagtipon sa Welcome Rotonda sa Quezon City ang ilang grupo, kabilang na ang grupong Akbayan, SENTRO, Agila, at National Federation of Labor Unions bago tumulak pa-Mendiola bandang alas-8 ng umaga. 

Nais isulong ng Akbayan ang agarang pagpapatupad ng 105 days expanded maternity leave, at pagkakaroon ng security of tenure para sa lahat. 

Samantala, dumiretso sa Mendiola ang mga inendorsong kandidato sa pagkasenador ng grupong Labor Win na sina Neri Colmenares, Sonny Matula, at Leody De Guzman. 

Dito nila ipinanawagan ang pagkakaroon ng mas mataas na sahod ng mga manggagawa. 

Ayon kay Colmenares, may krisis ang bansa ngayon sa mataas na presyo at mababang sahod sa mga manggagawa. 

"Ang krisis ngayon, hindi lang krisis sa tubig, hindi lang brownout sa iba't ibang bahagi ng bansa kundi krisis sa mataas na presyo at mababang sahod," aniya. 

Kaakibat nito, ipinanawagan nila ang dagdag-sahod para sa mga manggagawa. 

ILEGAL NA MANGGAGAWA?

Samantala, tinalakay sa isang press conference ng Otso Diretso at ilang labor groups ang umano'y pagdami ng Chinese workers sa bansa. 

"Aming mariing kinokundena ang pagpapahintulot ng gobyerno na kunin ng mga Tsino ang mga trabaho sa loob ng bansa na maaari namang gawin ng mga manggagawang Pilipino," ani UNI Global Union Philippine Liaison Council president Exie Nidea. 

Kinuwestiyon din ng ilang miyembro ng Otso Diretso ang pakikitungo ng gobyerno sa bansang Tsina, ang minimum wage, at ang taas-presyo na dala umano ng tax reform law. 

"Unang-una ang isyu ng security of tenure, ang ating Pangulo cinertify as urgent pero inupuan ng mga senador, ang tanong bakit?" ani Otso Diretso bet Erin Tañada. 

PANAWAGAN SA KONGRESO 

Sa kaniyang mensahe ngayong Araw ng Paggawa, nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na magpasa ng mga batas na magtatanggol sa mga manggagawa. 

"Today, we celebrate the working class not as a tool of employers and capitalists, but as an essential catalyst for our nation's overall progress," ani Duterte. 

SEGURIDAD

Ikinalat naman ang aabot sa 1,000 pulis sa Mendiola at sa paligid ng Malacañang. Isinara rin ang naturang kalsada ngayong araw.

Ayon kay Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), wala silang nakikitang banta sa ngayon. 

Pero una nang sinabi ng Manila Police District na dapat asahan ang mabigat na trapiko sa maraming lugar sa Maynila dahil sa serye ng mga kilos protesta. 

Kasama dito ang mga lugar na Mendiola, pati ang US Embassy, Department of Labor and Employment, Liwasang Bonifacio, Morayta at Plaza Miranda.


— May ulat nina Jekki Pascual, Adrian Ayalin, Johnson Manabat, Raya Capulong, at Lyza Aquino, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.