SUV sumalpok sa pader sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2019 05:59 PM

ZAMBOANGA CITY - Isang puting sports utility vehicle (SUV) ang nasira matapos sumalpok sa kongkretong pader at isang law office sa Zamboanga City Lunes ng umaga.

Mabilis ang takbo ng SUV nang mawalan ng kontrol sa manibela ang drayber nito, hanggang sa lumihis ito sa kabilang linya sa Barangay Santa Maria, ayon kay Police Major Arlan Delumpines, hepe ng Police Station 7.

Unang sumalpok ang SUV sa isang poste, bago ito bumangga sa isang konkretong pader at sa roll-up door ng isang law office. Nabuwal din ang ang isang poste ng ilaw at ilang kuntador ng tubig.

Sa isinagawang imbestigasyon ng mga pulis, sinabi ng drayber ng SUV na biglang tumigas ang manibela ng kaniyang sasakyan nang dumating sa Calle Governor Ramos.

Hindi na nagawang magpreno ng drayber hanggang sa sumalpok ang kaniyang sasakyan sa isang pader at sa isang kalapit na gusali.

Sa kabutihang palad, hindi naman nasugatan ang drayber ng SUV at ang isa niyang kasamang babae.

Nangako naman siya na babayaran niya ang lahat ng mga nasirang ari-arian.

Nagpaalala naman ang pulisya sa mga motorista na mag-doble ingat sa pagmamaneho at sumunod sa mga batas-trapiko kahit na madaling araw at wala masyadong sasakyang tumatakbo sa daan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.