Construction worker patay nang tagain ng kapatid sa Zamboanga

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2019 04:53 PM

Napatay noong hapon ng Linggo ang isang construction worker sa Zamboanga City matapos umanong tagain ng kaniyang kapatid sa ama.

Magkasamang nag-iinuman ang biktima at suspek sa labas ng kanilang bahay, kasama ang ilan pang kapitbahay, sa Barangay Boalan nang magkaroon sila ng pagtatalo, ayon kay Police Cpl. Mark Garcia.

Hinagisan ng biktima ang suspek ng bato at pinalo ito sa ulo kaya lumaban ang suspek at tinaga ang biktima gamit ang itak, ani Garcia.

Sumuko sa mga awtoridad ang suspek ilang minuto matapos ang pangyayari.

Madalas masangkot sa gulo ang magkapatid, ayon sa barangay chairperson na si Angelica Inot.

Ilang beses na rin umanong kinausap ng mga awtoridad ang magkapatid subalit patuloy pa ring nag-aaway ang mga ito, lalo tuwing nalalasing.

Pinag-iisipan pa ng ina ng biktima kung kakasuhan ang suspek. -- Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.