Baril ng pulis-Caloocan na 'nakabaril' ng bata dadaan sa ballistics exam

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2019 12:40 PM | Updated as of Apr 29 2019 04:04 PM

(UPDATE) Isasailalim sa ballistics examination ang baril ng pulis na sinasabing nakapatay ng isang 6 taong gulang na bata sa Caloocan City, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Police Gen. Oscar Albayalde. 

Sa press briefing nitong Lunes, sinabi ni Albayalde na dadaan sa nasabing examination ang baril para makumpirma kung si Police Cpl. Rocky delos Reyes nga ba ang nakabaril sa batang si Gian Habal.

Kapag napatunayang maysala, mahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo si Delos Reyes.

"Ipina-submit na natin 'yong baril ng pulis at it will undergo ballistics examination," ani Albayalde. 

"Kung siya ang nakatama talaga, then I'm sure, mafa-file-an 'yan not only of administrative charges but also criminal charges against our own police," dagdag ni Albayalde.

Nagpahayag din ng pakikiramay si Albayalde sa pamilya Habal.

Isasailalim din sa autopsy ang labi ng bata para malaman kung bala galing sa baril ng pulis ang tumama sa kaniya.

Nahaharap si Delos Reyes sa kasong murder at frustrated murder.

May namataan umanong suspek si Delos Reyes noong hapon ng Linggo sa may Camarin, Caloocan City, base sa paunang imbestigasyon. 

Hinabol niya ito at binaril pero tumama ang bala sa ulo ng bata, na naglalaro ng mga oras na iyon sa labas ng kaniyang bahay, ayon sa imbestigasyon.

Hinabol ng lolo at lola ng bata si Delos Reyes, na muli umanong nagpaputok ng baril na tumama naman sa paa ng lola.

Sumuko si Delos Reyes sa Caloocan police matapos ang insidente.

Ayon kay Police Col. Restituto Arcangel, hepe ng Caloocan police, 5 taon nang pulis si Delos Reyes.

Dati na rin siyang may kasong administratibo dahil sa ilegal na pagpapaputok ng baril at nakainom umano habang naka-duty, ani Arcangel.

--Ulat nina Jervis Manahan, Zhander Cayabyab, at Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.