Pulis-Makati naghain ng reklamo laban sa nakaalitang banyaga

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 02:30 PM | Updated as of Apr 28 2020 07:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Pormal nang nagsampa ng reklamo ngayong Martes ang isang pulis laban sa banyagang nakatira sa Dasmariñas Village sa Makati na kaniyang nakaalitan matapos sitahin dahil sa umano ay paglabag sa mga patakaran ng enhanced community quarantine.

Inireklamo ni Police Senior Master Sergeant Roland Von Madrona si Javier Salvador ng direct assault, resistance and disobedience to a person in authority, unjust vexation, at paglabag sa Law on Reporting of Communicable Diseases (Republic Act No. 11332) at Makati City Ordinance No. 2020-089.

Nag-viral noong Lunes ang video ng matinding sagutan sa pagitan nina Madrona at Salvador, isang Spanish national, noong Linggo.

Ito ay matapos sitahin ni Madrona ang kasambahay ni Salvador dahil sa hindi pagsuot ng face mask habang nagdidilig ng mga halaman sa tapat ng bahay ng bayaga.

Sinubukan pang arestuhin ng pulis si Salvador pero iginiit ng misis ng banyaga na hindi ito puwede dahil sa kawalan ng warrant.

Ayon sa Makati police, posibleng overstaying na sa bansa si Salvador at nakikipag-ugnayan na sila sa Bureau of Immigration para sa posibleng pag-deport sa banyaga dahil sa inasal nito. 

Ayon naman kay Immigration Spokesperson Dana Sandoval, masyado pang maaga para maglabas ng detalye pero sinisilip na rin ng kanilang bureau ang "status" ni Salvador.

Sa ilalim ng City Ordinance No. 2020-089 ng Makati, kailangang magsuot ng face mask ng mga residente ng Makati sa labas ng bahay o sa mga pampublikong lugar bilang pag-iingat sa coronavirus disease o COVID-19.

Ayon sa Makati police, wala pang sinasampang kontra-demanda ang banyaga.

Nagpaalala naman si National Capital Region Police Office chief Maj. Gen. Debold Sinas sa mga pulis na pairalin pa rin ang maximum tolerance sa pagharap sa mga situwasyong katulad ng nangyari sa Dasmariñas Village.

Nagpahayag naman ng suporta si Interior Secretary Eduardo Año para kay Madrona.

Ayon kay Año, "by the book" o sumunod naman sa mga patakaran si Madrona sa pagharap sa dayuhang residente, at hindi rin ito nag-trespass.

Sinusubukan pa ng ABS-CBN News na kuhanin ang panig ni Salvador pero hindi siya sumasagot. -- Ulat nina Mike Navallo at Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.