Hinihinalang NPA patay sa engkuwentro sa Northern Samar

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 09:09 PM | Updated as of Apr 29 2020 10:33 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang isang hinihinalang miyembro ng New People's Army sa engkuwentro laban sa mga miyembro ng 20th Infantry Battalion ng Philippine Army sa bayan ng Catubig sa Northern Samar Lunes ng tanghali.

Nakuha din ang isang KG9 submachine gun kasama ang magazine at mga bala ng 9mm na baril.

Base sa military report, walang suot na pang-itaas na damit ang napatay na rebelde at posibleng isa siya sa mga tumakas mula sa military operation sa lugar noong Abril 23, kung saan napasok ng mga sundalo ang isang kampo ng mga rebelde.

Ang nasabing kampo ay may multipurpose hall, 11 bunkers, 19 tents, comfort rooms at kusina.

Ayon pa sa military report, nakuha din sa kampo ang iba't ibang high-powered firearms, mga bala, 12 improvised explosive device, hand grenade, 20 backpacks, medical supplies at ilang mga dokumento.

Naganap ang insidente sa gitna ng ceasefire na nauna nang idineklara ng Communist Party of the Philippines na tatagal hanggang Abril 30. Naunang nagdeklara ang gobyerno dahil sa krisis sa COVID-19, pero natapos ang ceasefire declaration nito noong Abril 15. 

Kamakailan ay nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na magdedeklara ng martial law kung patuloy ang mga umano'y pag-atake ng mga rebelde sa mga sundalo, lalo na 'yung mga naghahatid ng relief goods sa gitna ng pandemiya ng COVID-19. 

- Ulat ni Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.