Bahagi ng PH Army headquarters sa Taguig nasunog

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 10:34 AM | Updated as of Apr 28 2020 11:13 AM

Nagtulungan ang mga bombero at sundalo sa pag-apula sa apoy sa gusali ng Finance Center ng Philippine Army. Ayon sa Army, natupok ang Governance Strategy Management Office sa loob ng gusali. Photos courtesy: Philippine Army

Mahigit kalahating oras nasunog ang bahagi ng isang gusali sa loob ng headquarters ng Philippine Army sa Fort Bonifacio, Taguig City noong Lunes ng gabi. 

Ayon kay Philippine Army spokesperson Col. Ramon Zagala, natupok ang tanggapan ng government strategy management office sa Finance Center Philippine Army building. 

Itinawag ang sunog pasado alas-9:20 ng gabi at itinaas ang unang fire alarm. 

Rumisponde ang mahigit 15 firetruck mula sa Bureau of Fire Protection, Philippine Navy at mga volunteers ng iba- ibang lungsod. 

Bandang alas-10:03 ng gabi na tuluyang naapula ang apoy, ayon sa BFP-NCR. 

Dahil pasado oras na ng curfew sa kampo, walang tao sa gusali at walang nasaktan. 

Inaalam pa ang halaga ng natupok. 

Ayon kay Zagala inaasikaso sa opisinang nasunog ang "transformation initiatives" ng Army. Hindi na nadamay ang ibang kuwarto. 

"The Philippine Army is currently conducting an investigation regarding the cause of the fire and hopes that we find answers as soon as possible,” sabi ni Zagala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.