'High-value' drug suspect patay sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2019 04:31 PM

Isang "high-value" target sa pangangalakal ng ilegal na droga ang napatay sa buy-bust operation nitong umaga ng Linggo sa Victorias City, Negros Occidental.

Kinilala ni Negros Occidental Police Provincial director Police Colonel Romeo Baleros ang nasawing suspek bilang si Leoner Jalandoon.

Tinangkang barilin ni Jalandoon ang mga pulis sa buy-bust operation kaya napilitan ang mga ito na magpapautok din ng mga baril, na ikinasawi ng suspek, ayon kay Baleros.

Naaresto naman ang 18 anyos na babaeng kinakasama ni Jalandoon na naroon sa inuupahang bahay ng suspek sa Barangay 6 nang isagawa ang operasyon.

Isang kalibre .38 revolver at hand grenade ang nakuha ng mga pulis mula kay Jalandoon.

Nasa 102 sachet ng hinihinalang shabu na may halagang P2.7 milyon ang nabawi ng pulisya sa operasyon.

--Ulat ni Marty Go, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.