Pagkamatay ng bagong panganak na tinanggihan ng 6 ospital iniimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2020 05:40 PM | Updated as of Apr 27 2020 08:22 PM

Watch more in iWantTFC

Iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagkamatay ng isang bagong panganak na babae na tinanggihan ng 6 na ospital, sabi ngayong Lunes ni Justice Secretary Menardo Guevarra.

Binigyan ng Department of Justice ng 10 araw ang NBI bago magsumite ng ulat ukol sa pagkamatay ni Kathy Bulatao, 28, na nanganak sa Caloocan City at tinanggihan ng mga ospital. 

"The NBI probe has begun...The directive was given last weekend," ani Guevarra.

Tiniyak naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mananagot ang mga ospital kapag napatunayang lumabag sa Anti-Hospital Deposit Law.

"Kung mapatunayan po... Ikukulong po natin lahat ng mga doktor, lahat ng may-ari ng ospital na naging dahilan kung bakit namatay ang pasyenteng ito," ani Roque.

Ayon sa mister ni Kathy na si Jan, may 6 na oras ang ginugol ng kanilang pamilya sa paghahanap ng ospital para sana operahan si Kathy.

Nasa 6 na ospital ang sinadya nina Jan at lahat ng mga ito ay tinanggihan sila dahil may mga kaso umano ng coronavirus disease (COVID-19), kulang ng kuwarto, walang stock ng dugo at walang obstetrician.

Ang isang ospital naman ay humingi ng P30,000 deposit.

Umabot ang mag-asawa sa San Jose del Monte General Hospital sa Bulacan, na handa na sanang tumanggap kay Kathy pero binawian na ito ng buhay.

Desidido umano si Jan na kasuhan ang mga ospital.

Muling iginiit ni Health Secretary Francisco Duque III na bawal tanggihan ang mga pasyente.

Ang mga ospital at health care facilities ay dapat na patuloy na magbibigay ng serbisyo sa publiko sa kabila ng COVID-19 pandemic.

Dagsa naman ang donasyong bigas, gatas, bote, at diaper para sa bagong silang na sanggol.

-- Ulat nina Maan Macapagal at Arianne Merez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.