Puno ng mangga sa QC na malapit nang mabuwal ikinabahala

ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2019 05:15 PM | Updated as of Apr 27 2019 08:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ikinabahala ng mga residente sa Commonwealth, Quezon City ang isang nakahilig na puno ng mangga na malapit nang mabuwal at magdulot ng perwisyo.

Ayon sa residenteng si Melchor Parilla, Oktubre pa nang humilig ang puno na malapit sa eskuwelahan at residential area.

"Ang takot dito baka biglang tumumba 'yung puno, may ibang taong madisgrasya na dumadaan," sabi ni Parilla.

Ilang kable ng internet, cable, at kuryente rin ang sumabit sa sanga nito. Ilang ulit na raw itong ini-report ng mga residente sa barangay at sa Meralco pero hindi pa rin matugunan.

"Para sa kapakanan ng marami, nananawagan ako na umaksyon na rin ang barangay. Hanggang ngayon po ay walang aksyon," sabi naman ni Lorenza Maniquis, residente.

Idinulog ng "Tapat Na Po" sa Meralco ang problema at makalipas ang ilang araw ay naayos na ito.

Ni-relocate ng Meralco ang kable ng kuryente pero may ilang kable pa rin ang naiwan, na responsibilidad na daw ng ibang kompanya.

"We will go out of our way and we will coordinate with them to remind them na meron pang mga linyang naiwan, so maganda ma-check nila," ani Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga.

Giit naman ng local government ng Quezon City, kargo ng may-ari ng puno ang pagti-trim pero kung di na kaya ay puwede naman daw itong idulog sa barangay hall.
    
Kung sobrang laki ng puno, dapat na itong isangguni sa city hall o munsipyo.

" 'Pag di kinaya ng barangay, itatawag niya sa parks department," payo ni QC administrator Aldrin Cuña.

Pero babala ni Cuña, kailangan ng DENR permit sa pagputol ng malaking puno, maliban na lang kung ito'y nahilig o natumba dahil sa kalamidad.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.