High-value target patay nang manlaban umano sa buy-bust sa N. Occidental

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2019 11:49 AM

Nanlaban umano ang target sa operasyon kaya't nabaril ng mga operatiba sa Silay City. Larawan mula sa Silay Police

SILAY CITY, Negros Occidental - Patay ang isang high-value target nang manlaban umano sa isinagawang buy-bust operation dito sa siyudad, Biyernes ng hapon. 

Ayon sa hepe ng Silay Police na si Police Maj. Rollie Pondevilla, matagal minanmanan ng pulisya si Ronilo Morillo Matapus dahil sa impormasyong siya ang distributor ng ilegal na droga sa Silay City, bayan ng E.B. Magalona at Victorias City. 

Nanlaban umano sa mga operatiba si Matapus kaya nabaril siya. 

Apat na tama ng bala ang tinamo ng suspek na nagresulta sa kaniyang pagkamatay.

Isa pang suspek ang naaresto sa naturang buy-bust. 

Nakuha sa drug operation ang P90,000 halaga ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia. 

Nakatakdang sampahan naman ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 and arestadong suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.