Sahod na pang-akit ng DepEd sa mga titser abroad, maliit?

ABS-CBN News

Posted at Apr 27 2018 11:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May trabahong naghihintay mula sa Department of Education (DepEd) para sa mga gurong piniling makipagsapalaran sa ibang bansa na pinag-iisipan nang magbalik-Pilipinas. 

Base sa kasunduan ng DepEd at Department of Labor and Employment (DOLE), ang mga propesyunal na guro na nasa ibang bansa ay maaaring lumahok sa ilalim ng programang "Sa Pinas Ikaw ang Mam at Sir."

"Sa programang ito hinahanap natin ang mga domestic workers, mga OFWs (overseas Filipino workers) na nagtatrabaho abroad na dating guro, o maski di pa sila nakapagturo pero nakapasa ng LET o licensure examination for teachers para sila ay makabalik," paliwanag ni DepEd spokesperson Tonisito Umali.

Ang Hong Kong ang unang bansang pupuntahan ng DOLE para mang-engganyo, sunod naman ang mga bansa sa Middle East kung saan maraming OFW. 

"What we offer is salary grade (SG) 11, and a regular teaching position, kung saan pa malapit 'yung bahay nila...When you apply for this program, gagawa ang gobyerno ng sariling plantilla or regular position para sa iyo," ani Geronico Herrera ng Workers' Reintegration and Technical Support Division ng DOLE.

Ang SG 11 ay naglalaro sa P20,000-P22,000 sa pinakahuling dokumento mula sa Department of Budget and Management (DBM). 

Pero ang gurong si Lisa Juliano na nais magbalik-Pinas matapos magkaproblema sa employer sa Indonesia, naliliitan sa alok ng DepEd. 

"Hindi kakayanin, I'd rather look for a job that I could be paid well. Ok lang siguro kung single lang ako at walang binabayaran...I'm not a young teacher anymore at marami akong babayaran," hinaing niya. 

Gayumpaman, proud pa rin ang DepEd sa kanilang programa na noong 2014 pa raw sinimulan at umano'y nakapagpauwi na ng halos 2,000 titser. 

"Very thankful po kasi imagine kung titingnan nila ang SG 11, halos katumbas na siya nu'ng trabaho nila bilang household service worker abroad and also ang pinakagusto nila sa program ay nasa pamilya na talaga sila," pagmamalaki ni Herrera.

Tinatayang tatlong buwan matapos na mag-apply, magkakatrabaho na umano agad ang mga lalahok sa programa. 

Para sa mga gustong mag-apply, pumunta lang daw sa website ng DOLE (nrco.dole.gov.ph) o kaya naman ay tumawag sa DepEd hotline sa numerong 02-636-1663.

--Ulat ni Jasmine Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.