Dating sundalong binaril sa QC checkpoint nilibing na

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2020 05:02 PM | Updated as of Apr 26 2020 07:19 PM

Inihatid na sa huling hantungan ngayong Linggo ang mga labi ng dating sundalo na si Winston Ragos, na napatay matapos barilin ng mga pulis sa isang quarantine checkpoint sa Quezon City. ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) — Inihatid na sa huling hantungan sa Libingan ng mga Bayani, Taguig City ngayong Linggo ang mga labi ng dating sundalong napatay sa pamamaril ng pulis, ayon sa tagapagsalita ng Philippine Army

Binigyan ng 21 gun salute ng Army bilang pagkilala sa tapat na serbisyo ni Ragos.

Bukod sa mga mahal sa buhay ni Ragos, dumalo rin ang ilang tauhan ng Philippine Army, sa pangunguna ni Army chief of personnel Col. Potenciano Camba, ayon kay Army Spokesperson Col. Ramon Zagala.

Nilinaw naman ni Zagala na sa kabila ng insidente, walang lamat ang relasyon ng Army at Philippine National Police.

Napatay si Ragos, 34, noong Martes matapos barilin ni Police Master Sgt. Daniel Florendo Jr. sa isang checkpoint sa Barangay Pasong Putik, Quezon City.

Ayon sa pulisya, pinagbantaan at sinigawan sila ni Ragos, at tumanggi rin itong umuwi sa kaniyang bahay sa kabila ng ipinapatupad ng enhanced community quarantine. Nakakita rin umano sila ng baril sa sling bag nito.

Pero iginiit ng mga kamag-anak at saksi sa insidente na walang armas na hawak si Ragos — na may post-traumatic stress disorder — nang mangyari ang pamamaril.

Iniimbestigahan na ng National Police Commission ang insidente habang humingi na ng tulong ang Philippine Army sa National Bureau of Investigation para mag-imbestiga. -- May ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.