Lalaki patay nang palakulin umano ng kainuman

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2019 06:29 PM | Updated as of Apr 26 2019 08:35 PM

Patay ang isang 39 anyos na lalaki matapos umanong hatawin ng palakol ng kainuman sa Barangay Mambaroto, Sipalay City, Negros Occidental. 

Ayon kay Sipalay police chief John Joel Batusbatusan noong Huwebes, nagkakainuman ang biktima na si Rafael Sumayo at ang suspek na si George Buluntate noong Lunes, at humantong umano ito sa sagutan. 

Makalipas ang ilang minuto, umuwi raw ang suspek para kumuha ng palakol at bumalik para hampasin ang biktima sa ulo gamit nito. 

Nagtamo ng sugat sa ulo at iba't ibang bahagi ng katawan ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. 

Agad na nahuli ng pulis si Buluntate sa hot pursuit operation at nahaharap sa kasong homicide. -- Ulat ni Marty Go, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.