4 na mangingisda ng tumaob na bangka, nailigtas

Dennis Datu, DZMM

Posted at Apr 26 2017 10:24 AM

Apat na mangingisda na lulan ng tumaob na bangka ang nailigtas ng Philippine Coast Guard sa karagatang sakop ng Barangay Buyo, Jordan, Guimaras.

Ayon kay PCG Spokesperson Commander Armand Balilo, nakatanggap sila ng tawag mula sa kapitan ng isang dumaraang barko matapos na mamataan ang isang tumaob na motorized banca, Jeanie Joven.

Kaagad na nagpadala ng tauhan ang coast guard at nailigtas ang mga mangingisdang nakilalang sina Melvic Pompirada, Joe Russel Sumagaysay, Melfred Pompirada at Emilio Pompirada.

Nabatid na galing sila ng Barangay Calumpang, Iloilo City at nangisda sa bahagi ng Bondulan Point nang tumagilid sa kaliwa ang bangka hanggang sa ito ay tuluyang tumaob at tinangay sila ng alon patungong Guimaras.

Kaagad naman naibigay na sa pangangalaga ng Iloilo Emergency Responder ang mga nailigtas na mangingisda matapos na mabigyan ng paunang lunas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.