COVID-19 testing center sa Laguna, inaasahang magbubukas sa Mayo

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2020 10:58 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nagpapatayo na ng sariling COVID-19 testing center ang lalawigan ng Laguna para mas mapabilis ang pag-testing sa mga residente nito.

"Sa ngayon po ay nage-establish pa tayo ng testing center, mga second week of May magbubukas 'yan, ongoing ang construction at pagseset-up ng mga equipment," ayon Laguna Governor Ramil Hernandez.

Sa panayam sa DZMM Sabado ng umaga, sinabi ni Hernandez na sinisikap nilang matapos ang testing center bago ang katapusan ng panibagong extension ng enhanced community quarantine (ECQ) sa ilang lugar sa Luzon sa May 15. 

Pero dagdag ni Hernandez, hindi puwedeng madaliin ang ganito dahil mahigpit at mataas ang requirement na hinihingi ng Department of Health para sa testing center.

Kasama ang Laguna sa mga lugar kung saan mapapalawig pa ng 15-araw ang ECQ mula pagtatapos ng Luzon-wide lockdown sa April 30 dahil sa mataas pa ring kaso ng COVID-19.

Sa ngayon, nakadepende ang kanilang resulta ng testing sa Research Institute for Tropical Medicine.

"Nag-aaverage kami ng 200 results per day so ang ideal namin maka-800 kami para wala kaming backlog," sabi niya.

Bukod sa testing center na ipinagagawa ng provincial government of Laguna, may isa pang binubuo na rin sa University of the Philippines Los Baños na nakatakdang magbukas naman sa ikatlong linggo ng buwan din ng Mayo.

"Makikipag-MOA (memorandum of agreement) po kami sa kanila. Kapag mag-operate na 'yung dalawa, kayang-kaya na pong makapaglabas ng result within 48 hours or less," sabi ni Hernandez.

Dapat aniya na nakaayos na ang lahat mula sa testing at quarantine bago matapos ang ECQ.

Batid ng pamahalaang panlalawigan ang pangangailang palawigin pa ang ECQ sa Laguna.

“Nauunawaan naman po namin dahil dala talaga ng pangangailangang ma-extend, mataas pa rin ang cases namin ng nagpa-positive kaya hindi pa napapanahong ma-lift ang ECQ sa Laguna,” sabi ni Hernandez.

Sa pinakahuling tala nila, mayroon na silang 261 kaso ng nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). Kasama sa naturang bilang ang 22 na namatay at 61 na nakarekober na sa sakit.

Paliwanag ni Hernandez na kaya dumami ang kanilang kaso ng COVID-19 ay dahil isa ang kanilang lalawigan sa mga lugar na malapit sa Metro Manila, ang sentro ng outbreak ng virus.

“Since ang Laguna po ay napakalapit sa NCR kaya po marami ang naaapektuhan dito,” sabi niya.

Ayon sa gobernador, ang nauna nilang dalawang kaso ay may travel history habang ang iba ay maaari umanong kasama sa mga nagsipag-uwian sa probinsiya bago mag-lockdown sa buong Luzon o mga nahawa sa mga nagkaroon na.

Bagama't wala pang eksaktong numero, paniwala ng gobernador na malaki ang magiging epekto ng pandemya sa kanilang lalawigan.

“Dahil mahigit na isang buwang walang trabaho o walang pagkilos ang ekonomiya sa ating lalawigan,” sabi niya.

Nagtatrabaho naman aniya ang lahat upang maiwasang kumalat pa ang virus. Gayundin, tiniyak niya na patuloy na magbibigay sila ng tulong sa mga apektadong pamilya hangga't kaya nila.

"Magtii-tiis na lang po tayo. Huwag po kayong mag-alala, ginagawa po ng pamahalaan ang aming magagawa para masuportahan ang inyong pangangailangan sa araw-araw," sabi nia.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.