Pulis na nangongotong sa habal-habal drivers, arestado

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2019 01:32 PM | Updated as of Apr 25 2019 07:37 PM

MAYNILA - Arestado sa entrapment operation ang isang pulis na miyembro ng Pasay City Traffic sa Luna Street kanto ng Buendia Huwebes ng umaga.

Huli sa aktong tinanggap ni Staff Sergeant Romeo Macaspac ang P1000 na marked money mula sa biktimang habal-habal driver, ani Police Colonel Romeo Caramat Jr., Philippine National Police-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) commander.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa complainant, nangongolekta umano si Macaspac ng 70 pesos kada araw na butaw sa kanilang mga habal-habal driver para makabiyahe at makapag pick-up ng pasahero sa ilegal na terminal nila sa Pasay.

"Itong arrested suspect ay tumatanggap ng P2,000 weekly sa isang grupo ng habal-habal driver doon sa Pasay City," sabi ni Caramat.

Ayon sa complainant, nitong Holy Week hindi sila nakapagbigay ng tong collection dahil walang pasada. Nagalit daw ang pulis, tinutukan siya ng baril at sapilitang kinuha ang pera ng asawa niya.

"Tinutukan siya ng baril sa ulo ng pulis dahil hindi niya naibigay ang weekly grease money sa pulis. Kinuha ng pulis ang pera ng asawa ng biktima, that prompted the victim to report the incident to CITF," dagdag ni Caramat.

Sa surveillance ng CITF, nakita umano si Macaspac sa habal-habal terminal sa lugar na tumatanggap ng kotong.

"Itong habal-habal mode of transportation ipinagbabawal. Ang masama nga niyan, ginagawang milking cow ng ibang kapulisan. The worst, yung pagtutok ng baril at pagkuha ng natitirang pera. Barya-barya na lang kung tutuusin," sabi ni Caramat.

Nasa kustodiya na ngayon ng PNP-CITF si Macaspac at haharap sa kasong robbery extortion, paglabag sa Omnibus Election Code dahil nakasibilyan ito nang makitaan ng baril, at kasong administratibo na grave misconduct.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.