3 sugatan matapos araruhin ng trak ng bombero

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2019 12:52 AM | Updated as of Apr 25 2019 06:42 AM

MAYNILA (UPDATED) - Sugatan ang 3 tricycle driver matapos araruhin ng firetruck sa Barangay Bagong Silangan, Quezon City Miyerkoles ng gabi.

Paresponde ng sunog ang firetruck ng Bahay Toro Fire Sub-Station sa Eagle St. nang mangyari ang insidente.

Nawalan umano ng kontrol ang drayber kaya't tumagilid ang firetruck habang palusong ng Sampaguita St. Nasagi nito ang 2 traysikel habang nadaganan ang isa pa.

"Nakita namin nag-overtake siya eh," ani Alvin Iballo, isa sa mga biktima.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagtamo ng sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan ang mga biktima. Isinugod din sa ospital ang drayber ng firetruck matapos mahilo.

Pahirapan ang pagtayo ng firetruck at umabot ng Huwebes ng hatinggabi bago ito naialis sa tabing kalsada.

"Nahati atensiyon ng mga responder. Kinailangan pa kasi na respondehan 'yung sunog at trak," ani Joy Bollena, barangay administrator ng lugar.

Agad namang naapula ang sunog sa 3 bahay na sinasabing nagmula sa isang junk shop. Apat na pamilya ang apektado ng sunog na nag-iwan ng P30,000 halaga ng pinsala. - Ulat nina Jervis Manahan at Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.