2 sugatan sa salpukan ng truck at jeep

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2019 01:06 PM

Wasak ang harapang bahagi ng cargo truck nang salpukin ito ng kasalubong na pampasaherong jeep. RJ Rosalado, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY - Dalawang pasahero ang nasugatan matapos magsalpukan ang isang cargo truck at pampasaherong jeep sa highway ng Barangay Guiwan, Huwebes ng umaga.

Kapwa minor injuries ang natamo ng dalawang pasahero ng jeep. Isa lamang sa kanila ang dinala sa ospital.

Sinisi ng driver ng truck na si Rey Falcansantos ang aksidente sa driver ng pampasaherong jeep na si Reynaldo Barhama.

Ayon kay Falcansantos, mabilis ang takbo ng jeep habang sinubukan nitong mag-overtake sa ibang mga sasakyan.

Hindi na rin siya nakaiwas sa jeep dahil sa isang katabing tricycle na muntikan niya ring masagi.

Itinanggi naman ni Barhama ang akusasyon ni Falcansantos.

Nagkaroon umano ng mechanical problem ang manibela at pumalya din ang preno.

Pero sa imbestigasyon ng mga pulis, lumalabas na kasalanan nga ni Barhama ang aksidente.

Ayon kay Police Staff Sergeant Marlon Fernando, ilang pasahero ang nagsabi umanong pinilit mag-overtake ng jeep sa ibang mga sasakyan hanggang sa mabangga ang kasalubong na truck.

Nangako naman ang operator ng jeep na babayaran niya ang pagpapaayos sa nasirang truck at maging ang pagpapagamot ng mga nasugatang pasahero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.