SAPUL SA VIDEO: Kambal na paninikwat sa pasahero sa EDSA Munoz

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2018 12:18 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakuhanan ng video ang magkasunod na paninikwat ng dalawang kawatan sa ilang pasahero ng jeep at bus sa EDSA Muñoz, Quezon City noong Sabado, Abril 21.

Sa dash cam video ng motoristang si Jar Sia, makikitang habang mabagal ang takbo ng mga sasakyan, biglang lumapit ang isang lalaki sa jeepney sabay "pitas" ng gamit ng isang pasahero sa loob.

Hindi maaninagan kung ano ang kaniyang hinablot.

Ilang saglit lang, isa pang kawatan ang lumapit naman sa umaandar na bus, lumundag, at sinikwat ang gamit ng pasahero sa loob.

Tumawid din lang ng kalsada ang mga kawatan na para bang walang nangyari. 

Naniniwala ang mga pulis na magkasabwat ang dalawang snatcher at posibleng may iba silang kasamahang nambibiktima sa lugar. 

Nagronda sa bahaging iyon ng EDSA ang Quezon City Police District (QCPD) Station 2.

Ayon sa ilang tambay, madalas daw mambiktima ang mga nakuhanang snatcher sa lugar.

Gayunman, naniniwala ang QCPD na mga dayo lang ang dalawa sa lugar.

"Tuma-timing sila na mabagal ang takbo ng sasakyan... pagka na-timing na mayroong alahas o kung ano pa mang may value, ayon inii-snatch nila," ani Superintendent Carlito Mantala, hepe ng QCPD Station 2. "Magdi-dispatch tayo ng mga patroller natin."

Hinimok ng QCPD ang mga nabiktima na mag-report sa kanilang istasyon. 

Sisilipin ng pulisya ang kanilang rekord kung dati nang nahuli ang mga nakuhanang snatcher.

Paiigtingin din nila ang pagroronda sa lugar.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.