Mga smuggled na sigarilyo mula Indonesia nasabat sa Gen San

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2018 11:03 AM

GENERAL SANTOS CITY - Siyamnapu't isang kahon ng mga smuggled na sigarilyo mula Indonesia ang nasamsam ng mga pulis sa isang bahay sa Barangay Labangal sa lungsod na ito matapos nila itong i-raid nitong Martes.

Pag-aari umano ng isang Toto Malik ang bahay pero hindi na siya naabutan ng raiding team. Dalawang Indonesian ang naaresto sa loob ng bahay na umano'y kasabwat sa tangkang pagpuslit ng mga smuggled na sigarilyo.

Naging matagumpay ang operasyon niya dahil sa tip ng mga concerned citizen, ayon kay Chief Supt. Marcelo Morales, ang regional police director.

"Alam niyo resulta ito ng maayos na coordination ng ating mga pulis sa mga coastal barangay sa GenSan," pahayag ni Morales.

Una nang naaresto ang Indonesian na si Aris Bintilo sa operasyon ng city mobile force nitong Lunes nang magtangka rin itong magpuslit ng higit sa 30 karton ng smuggled na sigarilyo mula Indonesia.

Ayon kay Morales, hinahanap na nila ang buyer ng mga smuggled na sigarilyo dahil hindi rin sila ligtas sa kaso.

Depensa naman ng mga suspek, hindi umano nila alam na bawal ipasok sa siyudad ang mga smuggled na sigarilyo.

Nakatakdang i-turn over sa Bureau of Immigration ang tatlong Indonesians na nakatakda ring kasuhan ng paglabag sa Tariff at Custom Code of the Philippines. Nauna na ring nakakumpiska ng higit sa P1 milyon halaga ng mga smuggled na sigarilyo ang mga pulis.