6 arestado sa magkahiwalay na drug bust sa Lucena

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2018 05:01 PM

Kalaboso ang anim katao, kabilang na ang mag live-in partner, sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Lucena City. Courtesy of Lucena City Police

LUCENA CITY – Anim katao ang naaresto sa magkakahiwalay na buy-bust operation ng awtoridad.
 
Sa surveillance video ng pulisya sa isang bahay sa Barangay Dies, maririnig ang pagtatanong ng isang lalaki na tila naninigurado sa kaniyang katransaksiyon.

Maya-maya pa, makikitang may hawak na maliit na sachet ang lalaki at sinindihan. 

Nang magpositibo ang aktibidad, agad na nagtungo ang operatiba ng Lucena City Police sa lugar at natiyempuhan pa ang isang nagaganap na transaksiyon.

Isang transparent na lalagyan ang nakita na naglalaman ng mga naka-paketeng hinihinalang shabu.

Agad na pinadapa ang mag live-in partner na nasa loob ng bahay habang inaresto rin ang isa pang lalaki na katransaksiyon nila. Nasamsam sa kanila ang isang kalibre .22 na baril, ilang bala at mga drug paraphernalia.

Samantala, magkasunod na inaresto naman ang dalawang lalaki sa Barangay Ibabang Dupay.

Nasamsam sa kanila ang ilang sachet ng hinihinalang shabu.

Arestado rin ang isa pang lalaki matapos mahulihan ng droga at ginawang front ang kaniyang negosyong video games. Nasamsam sa kaniya ang apat na sachet ng umano’y shabu.

Nakapiit na ngayon ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of firearm para sa nahulihan ng baril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.