Suspek sa pagpaslang sa dating alkalde patay nang manlaban umano sa pulisya sa Iloilo

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2019 06:25 PM

Nabaril si Rammy Enojo matapos umano manlaban sa awtoridad na magsisilbi ng warrant of arrest sa kaniya sa pagpatay kay dating Pulupandan, Negros Occidental Mayor Luis Mondia. Larawan mula sa Iloilo Police Provincial Office

DINGLE, Iloilo – Patay ang isang lalaking sangkot umano sa pagpaslang sa dating alkalde ng Pulupandan sa Negros Occidental may 9 na taon na ang nakalipas. 

Ayon kay Police Maj. Jonathan Piñuela, hepe ng Iloilo Police Provincial Office Special Operations Group, maghahain sana sila ng warrant of arrest laban kay Rammy Enojo sa kasong pagpatay nito kay Mayor Luis Mondia nang bumunot umano ng baril ang suspek, Miyerkoles ng madaling araw.

Nagtangka pa umanong maghagis ng granada ang suspek kaya't binaril na siya ng mga operatiba. Isinugod sa Iloilo Provincial Hospital si Enojo pero idineklara siyang dead on arrival.

Narekober sa suspek ang isang kalibre .38 na baril, isang 12-gauge shotgun, at isang granada.

Ilang araw na ring minamanmanan ng mga pulis ang suspek sa kaniyang bahay sa Barangay Tambunak bago ikinasa ang operasyon.

Bukod sa pagiging gunman sa pagpaslang kay Mondia, sabit din umano si Enojo sa serye ng pagnanakaw at pagpatay sa Iloilo, ayon sa pulisya.

Si Enojo ay miyembro umano ng Magno/Matillano Crime Gang na nag-ooperate sa Iloilo. Itinuturing din siyang Top 6 na most wanted sa lalawigan.


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.