Lalaki tumangay umano ng P500-M sa hinihinalang 'pyramid scam'

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2019 06:37 PM

LAPU-LAPU CITY, CEBU -- Arestado nitong Martes sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaking inirereklamo sa umano’y pyramid scam sa lungsod na ito. 

Sa ilalim ng pyramid scam, mag-re-recruit ang scammer ng mabibiktima. Paghuhulugin ng pera ang biktima sa pangakong dadami ang matatanggap nilang salapi. 

Kukumbinsehin din ng umano'y scammer ang kaniyang mga kliyente na mag-anyaya pa ng mga nais mag-invest. 

Sa inisyal na report ng NBI, aabot sa P500 milyon ang natangay ng suspek sa 100 na kliyente, ayon kay Atty. Van Homer Angluben, investigation agent ng NBI. 

Kuwento ng nagreklamo na si Abraham Mallari, inalok siya ng suspek sa social media noong 2018 na mag-invest para sa mas malaking balik ng pera sa kaniya. 

Ayon pa kay Mallari, na naipundar ang pera sa kaniyang pagiging OFW, nakumbinse naman siya dahil may natatanggap siya sa mga unang buwan. 

Pero makalipas ang ilang buwan ay hindi na raw umano ito nakakatanggap ng kaniyang share. Hindi na rin daw mahagilap ang suspek. 

Nang maaresto ang suspek nakuha ang mga government ID na umano’y iba ang mga pangalan. Pinaniniwalaan ding nagtago sa Lapu-Lapu City ang suspek sa mga nakalipas na buwan.

Pinaghahanap na ng NBI ang iba pang mga posibleng nabiktima ng suspek. 

Nahaharap sa kasong Estafa at Falsification of Public Documents ang suspek.

-- Ulat ni Joworski Alipon, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.