Lalaki patay umano sa suntok ng pamangkin

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2019 06:36 PM

BACOLOD CITY — Patay ang isang 55 anyos na lalaki sa lungsod na ito matapos umano suntukin ng kaniyang pamangkin noong Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Ronie Lariosa Sr. na taga-Barangay Tangub.

Ayon kay Police Maj. Charles Gever, galing sa inuman ang magtiyuhin at pareho silang lasing nang mangyari ang insidente.

Ang suspek pa umano ang naghatid pauwi sa kaniyang tito.

Pero bigla na lang daw nagalit ang biktima sa suspek at doon na sila nagpambuno.

Nasuntok umano ng suspek sa tiyan ang biktima at nawalan ito ng malay.

Dinala pa si Lariosa sa pagamutan pero hindi na ito umabot nang buhay. 

Wala namang ibang tama ang biktima ayon sa pulis kaya tanging ang pagsuntok ang tinitingnan nilang sanhi ng pagkamatay nito.

Hindi na interesadong magsampa ng kaso ang pamilya ng biktima, ayon sa pulis.


—Ulat ni Martian Earl Muyco, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.