Holdaper ng spa, patay nang manlaban sa pulis

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2019 05:08 AM

MAYNILA - Patay ang isang suspek sa panghoholdap ng isang spa sa Quezon City matapos umano itong manlaban sa mga pulis.

Huhulihin na sana ang suspek sa West Riverside, Barangay Del Monte Martes ng gabi nang magpaputok umano ito sa mga pulis.

Kinilala lamang siya na Marlon na siya umanong nangholdap sa isang spa Martes ng madaling-araw.

Ayon sa receptionist ng spa, nagpamasahe ang suspek na tila isang normal na customer.

Pero matapos ang masahe, hindi nagbayad ang lalaki at sa halip ay nagdeklara ng holdap. Kinuha niya ang mga cellphone at kuwintas ng receptionist at mga masahista.

Dagdag ng receptionist, pangatlong beses na nagpamasahe ang lalaki kaya posibleng natiktikan nito ang galaw sa loob ng spa.

Nakuhanan sa CCTV ang suspek nang tumakas ito kaya natukoy ng mga pulis.

Napag-alaman din ng pulisya na suspek din ang lalaki sa isa pang hiwalay na panghoholdap sa Barangay Paraiso nitong Biyernes Santo. - Ulat ni Jervis Manahan at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.