Alkalde ng Malay, Aklan sinibak sa puwesto

Regi Adosto, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2019 08:38 PM

Inihain nitong Miyerkoles ang dismissal ni Malay, Aklan Mayor Ciceron Cawaling kaugnay ng dinanas na mga suliranin sa kalinisan at kapaligiran sa Boracay.

Lumabas ang dismissal order mula sa Office of the Ombudsman noong Abril 15 at inaprubahan ito ni Ombudsman Samuel Martires nitong Lunes.

Base ito sa charges ng graft, gross neglect of duty, grave misconduct, conduct unbecoming of public officials, at conduct prejudicial to the best interest of the service na nagbunga sa mga problemang pangkalikasan ng Boracay.

Matatandaang noong Hunyo 2018 naghain si Interior Usec. Epimaco Densing II sa Ombudsman ng administrative at criminal complaints laban sa 17 pitong opisyal sa probinsya ng Aklan.

Kabilang dito sina Cawaling, Aklan Gov. Florencio Miraflores, Malay vice mayor Abram Sualog at 8 miyembro ng Sangguniang Bayan.

Kinasuhan din ang 3 punong barangay ng Boracay na sina Chona Gabay, Lilibeth Sacapano, at Hector Casidsid. 

Kasama rin sa kaso si Municipal administrator Edgardo Sancho at Valentin Talabero.

Kinasuhan din at naalis na sa puwesto ang business licensing division head na si Jen Salsona.

Maliban kina Cawaling at Salsona, na-dismiss ang kaso laban sa iba pang opsiyal dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Wala pang opisyal na pahayag mula kay Cawaling.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.