2 patay, 1 sugatan sa pag-amok ng drug surrenderee

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2019 05:26 AM | Updated as of Apr 24 2019 09:51 PM

MAYNILA - Dalawa ang patay habang isa ang sugatan matapos na pagbabarilin ng lalaking nag-amok sa Barangay Little Baguio, San Juan City Martes ng gabi.

Naaresto ng mga pulis ang suspek na kinilalang si Roberto Banez, 59 anyos.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, binaril bigla ng suspek ang kaniyang kuya na si Catalino Banez, 73 anyos.

Watch more in iWant or TFC.tv

Binaril din ng suspek ang kanilang personal nurse at masahista na nasa loob ng bahay. 

Binawian ng buhay ang masahista sa ospital habang nagpapagaling naman ang nurse dahil sa tinamong tama ng bala sa paa. Dead on the spot naman ang kapatid ng suspek.

"Sabi ng kasambahay, mainit ang ulo, namaril na lang bigla," ani Police Col. Ariel Fulo ng San Juan City police.

Napag-alaman na ikalawang beses nang nag-amok ang suspek. Binaril din umano nito ang drayber noong 2014, pero nakaligtas ito.

Dagdag ni Fulo, gumagamit umano ng droga ang suspek na isang drug surrenderee. Magaling din daw itong humawak ng baril kaya nahirapan silang pasukin agad ang bahay.

Napilitan ang mga pulis na tapunan ng tear gas ang loob ng bahay na naging dahilan para maaresto ang suspek. Narekober sa kaniya ang ilang baril at mga party drug.

Hindi pa malinaw ang motibo ng pamamaril dahil wala naman umanong hidwaan ang magkapatid.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.