Nag-iisang gov't hospital sa Boracay, mananatiling bukas sa 'shutdown'

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 03:14 PM

Hindi nabawasan ang medical staff ng Ciriaco Tirol Hospital dahil mananatili itong bukas sa kabila ng Boracay closure. Kuha ni Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News


Mananatiling bukas at normal ang operasyon ng kaisa-isang government hospital sa Boracay sa Aklan sa kabila ng 6-buwan closure ng isla.

Ayon kay Dr. Florence Pestaño ng Ciriaco Tirol Hospital, hindi nabawasan ang medical staff ng kanilang pagamutan.

Sakali man na may pasyente sila na kailangang ilipat sa mainland matapos ang hatinggabi, kailangan lang umano nilang makipag-ugnayan sa personnel ng Jetty Port upang maasikaso sila.

Ipinapamahagi ang 'worker terminal pass' para sa mga empleyado na magtatrabaho sa loob ng Boracay. Kuha ni Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Samantala, tuloy-tuloy naman ang pagkuha ng mga trabahador ng worker terminal pass sa Cagban Jetty Port na kailangan upang makapasok sa isla ang mga empleyado doon habang on-going ang 6-buwan closure.

Libre ang pass at kailangan lamang ipakita ang ID at dokumentong patunay mula sa pinagtatrabahuhang kompanya.

Ang mga residente naman na may government at barangay ID ay hindi na umano kailangan pa ng nasabing pass.

--Ulat ni Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.